Saturday, March 21, 2015

13TH CAMP CELL GROUP SESSION MANUAL

CELL GROUP SESSION # 1 – April 2, Thursday, 11am to 12 nn (1 hour)

INSTRUCTIONS:
1.     GETTING TO KNOW EACH OTHER AND TESTIMONIES:  Bago ang lahat, ang bawat miyembro ng Cell Group ay magpakilala sa isa’t isa:

1.1         – Pangalan
1.2         – Edad
1.3         – Lokal, tungkulin sa lokal
1.4         – Kung bisita ay sabihin kung sino ang nagimbita
1.5         – Kung kapatid na ay ikuwento kung paano ka naging mananampalataya
·         Bawat “Believer” sa Cell Group ay maglahad ng kanyang testimonya sa KUNG PAANO NIYA NAKIKILALA AT TINANGGAP ANG PANGINOONG JESUS.

2.     TALAKAYAN:  Talakayin ang mga sumusunod:

MGA PANGUNAHING TALATA:  Ito ang mga pangunahing mga talata na magiging batayan ng mga Cell Group Sessions.  Dito natin hinango ang ating Camp Theme sa 13th Bible Camp 2015 na:

CAMP THEME:  MAGLIWANAG TULAD NG ILAW — SAMANTALANG INIHAHATID ANG BALITA NG KALIGTASAN!
        (“Shine as light —while spreading the news of salvation!)


BIBLE READING:  (Bawat miyembro ng CG ay magbasa ng isang talata)

Php 2:12 Kaya nga, mga minamahal, higit na kailangang maging masunurin kayo ngayon kaysa noong kasama ninyo ako. May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan,

Php 2:13 sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban.

Php 2:14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang tutol at pagtatalo,

Php 2:15 upang kayo’y maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan sa gitna ng mga taong liko at masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng talang nagniningning sa kalangitan,

Php 2:16 samantalang inihahatid ninyo sa kanila ang balita ng kaligtasan. Pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki ko kayo sapagkat hindi nawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal.



PAGBULAYIN, TALAKAYIN ANG MGA SUMUSUNOD:


1.  “Ang liwanag ay tahimik, ngunit may ipinakikita.  Ang liwanag ay banayad, ngunit may ipinakikitang kapangyarihan. 

2.  Ang liwanag ay humihiwalay sa paglubog ng araw, ngunit ito ay nananatili sa pamamagitan ng maraming nagniningning na bagay sa kalangitan hanggang sa muling pagbubukang liwayway. 

3.  Habang tayo ay nagliliwanag, nauupos tayo, ngunit ang pag-aalay ay hindi mauuwi sa kawalan ng kabuluhan.”


(Isinalin sa tagalog mula sa “Through the Bible, F.B. MEYER”

 -WAKAS NG SESSION # 2



CELL GROUP SESSION # 2 – April 2, Thursday, 1 to 2 pm (1 hour).

1.     OPENING PRAYER
2.     BIBLE READING – (basahin ng isang kapatid sa cell group ang Pilipos 2:15)
3.    TALAKAYAN – Sa Pangunguna ng Cell Group Leader

PAKSA:  MAGLIWANAG TULAD SA ILAW – SA GITNA NG MGA TAONG LIKO AT MASASAMA


MAIN VERSE:

Php 2:15 upang kayo’y maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan sa gitna ng mga taong liko at masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng talang nagniningning sa kalangitan,

-      Tagalog Popular Version

-      Sa salin ng Biblia na “Ang Bagong Ang Biblia”, ang mga salitang “sa gitna ng mga taong liko at masasama” ay naisulat na “sa gitna ng isang salinlahing liko at masama”.

I.            ANG PAGSAMA NG PANAHON

Habang tumatanda ang daigdig ito naman ay patuloy sa kasamaan.  Habang papalapit ang katapusan ng kasaysayan ng mundo ay lalong nagiging masama ang mga maraming mga tao.  Napakaraming mga talata ng Biblia ang nagsasaad ng katotohanang ito at ang ilan lamang ay ang mga sumusunod:

1.   Ito ay palatandaan na malapit na ang muling pagparito ng Panginoong Jesus:
Rev 22:10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga hulang nasa aklat na ito, pagkat malapit nang maganap ang mga ito.
Rev 22:11 Ang masama ay magpatuloy sa pagpapakasama, ang marumi sa kanyang pagpapakarumi, ngunit ang mabuti ay magpatuloy sa pagpapakabuti, at ang banal sa pagpapakabanal.”

2.   Ito rin ang naisulat sa aklat ni Daniel sa Matandang Tipan

Dan 12:4  Ngunit ikaw, O Daniel, ilihim mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago."   (- Ang Bagong Ang Biblia)

Dan 12:9 Sinabi niya sa akin, “Tumahimik ka na, Daniel. Ang kahulugan nito’y mananatiling lihim hanggang sa huling araw.   (- Tagalog Popular Version)

          KOMENTO:  Ang Daniel 12:4 ay halos kabaligtaran ng nasa Apocalipsis (22:10)  Naunang naisulat ang aklat ni Daniel sa Matandang Tipan.  Humigit kumulang sa 160 na taon bago naisulat ang Apocalipsis.  Nuong panahon ni Daniel ay hindi ipinaunawa ng Diyos ang kahulugan ng mga ipinasulat sa sa aklat ni Daniel kaya nga ito ay “inilihim” at “tinatakan” – mga salitang nagpapahiwatig na hindi nga mauunawaan ang nasusulat. 

3.   Babala ni Apostol Pablo nuong unang siglo palang ay kaniyang isinulat na magiging mapanganib ang panahon sa mga “huling araw”…

2Timoteo 3:1 Ang mga Huling Araw
       Tandaan mo ito: mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw.
2Timoteo 3:2 Ang mga tao’y magiging makasarili, gahaman sa salapi, palalo, mayabang, mapang-alipusta, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos.
2Timoteo 3:3 Bukod dito, magiging malupit sila, walang habag, mapanirang-puri, mapusok, marahas, at mamumuhi sa mabuti.
2Timoteo 3:4 Hindi lamang iyan, sila’y magiging taksil, walang taros, palalo, at mahilig sa kalayawan sa halip na sa mga bagay na ukol sa Diyos.
2Timoteo 3:5 Sila’y magkukunwang may pananampalataya ngunit hindi naman makikita sa buhay nila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga ganitong tao.
2Timoteo 3:6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa bahay ng mga babaing hangal. Bibihagin nila ang mga ito na batbat ng kasalanan at alipin ng sari-saring pita.
                                                                                       

II.         MAHALAGANG PUNTO NA DAPAT MABIGYAN NG DIIN

Sa kabila ng kasamaan ng paligid, ayon sa Pilipos 2:15, ang mga Cristiano ay dapat maging:
1.           – Ulirang mga anak ng Diyos
2.           – Malinis at walang kapintasan
3.            - Magsilbing ilaw (liwanag)

1.   Ulirang mga anak ng Diyos.  Ang mga Cristiano ay dapat na maging ulirang mga anak ng Diyos.  Saan ba dapat maging uliran.  Talakayin sa grupo ang sinasabi sa 1 Timoteo 4:12 na maging uliran sa mga sumusunod:

1)   Sa pananalita
2)   Ugali
3)   Pag-ibig
4)   Pananampalataya,at
5)   kabanalan

1Timoteo 4:12 Huwag mong bigyang-daan na hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, pagsikapan mong maging huwaran ng mga sumasampalataya: sa pananalita, ugali, pag-ibig, pananampalataya, at kabanalan.

2.   Malinis at walang kapintasan.  Paano natin mararating ito?  Sa dalangin ni Pablo sa Diyos para sa mga taga Pilipos ay nais niya na mag-ibayo (paunlarin) ang pag-ibig nila at masangkapan o madadagan pa ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa.  Hindi basta basta pag-ibig.  Ang pag-ibig na nararapat sa Crisitiano ay ang pag-ibig na nakatayo sa malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa.  Pagkakilala at pagkaunawa — mga salita nagpapakita sa atin ng kahalagahan ng patuloy na pag-aaral ng Salita ng Diyos — dahil ang Salita ng Diyos ang magbibigay sa atin ng wastong kaalaman ng kalooban ng Diyos.

Php 1:9 Idinadalangin ko sa Diyos na mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa
Php 1:10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay. Sa gayon, pagdating ng Araw ng pagbalik ni Cristo, masumpungan kayong malinis, walang kapintasan,
Php 1:11 at puspos ng magagandang katangiang[b] kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa karangalan at kapurihan ng Diyos.

3.   Magsilbing ilaw (liwanag).  Ang mga Cristiano ang liwanag o ilaw ng sanglibutan.  Gaya din na sinasabi ng Panginoong Jesus na…

Mat 5:14 “Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol.
Mat 5:15 Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay.
Mat 5:16 Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”

-WAKAS NG SESSION # 2



CELL GROUP SESSION # 3 – April 3, 11am-12nn, Friday (1 Hour)
1.    OPENING PRAYER
2.     BIBLE READING – (basahin ng isang kapatid sa cell group ang Pilipos 2:12)
3.    TALAKAYAN – Sa Pangunguna ng Cell Group Leader

PAKSA:  MAGLIWANAG TULAD SA ILAW – MAGING MASUNURIN. MAGPATULOY SA PAGGAWA HANGGANG SA MALUBOS ANG INYONG KALIGTASAN

MAIN VERSE

Php 2:12 Kaya nga, mga minamahal, higit na kailangang maging masunurin kayo ngayon kaysa noong kasama ninyo ako. May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan,


3 MAHAHALAGANG PUNTO ANG ISINASAAD NG TALATA.

Kaugnay sa magliwanag tulad sa ilaw, 3 mahahalagang punto ang nasa talata:

1.    Maging masunurin

2.    May Takot at panginginig

3.    Magpatuloy sa paggawa hanggang sa malubos ang kaligtasan.


1.   MAGING MASUNURIN

Dito ay ipinaliliwanag ni Pablo na dapat maging higit na masunurin ang mga Cristiano lalo na sa kalagayan na hindi nila kaharap ang apostol, kaya nabanggit ang salitang “higit”.  Ito ay nagpapakita na dapat maging maingat sila dahil nga malayo ang apostol sa kanila na maaaring magbigay sa kanila ng paalala agad-agad kung ito ay kaharap nila.  Ang pagiging masunurin ay nangangahulugan ng “AKSYON” o PAGKILOS.  Ito ay ang PAGTUPAD ng mga Cristiano ng kanilang mga natututunan mula sa pakikinig ng mga aral ng Diyos.

1.1        – Ang pagiging masunurin ay isang malaking ebidensya ng isang tunay na sumasampalataya at umiibig sa Diyos at kay Cristo…

1Jn 2:3 Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.
1Jn 2:4 Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan.

KOMENTO:  Muli, ay nadito na naman ang halaga ng patuloy na pag-aaral ng Salita ng Diyos.  Paano natin mababatid ang mga utos ng Diyos?  Ito ay sa pamamagitan ng Biblia na siyang Salita ng Diyos.

2.   MAY TAKOT AT PANGINGINIG (“Fear and trembling”).

Ang ating Diyos ay Diyos ng pag-ibig.  Ito ay tutoo dahil sinasabi ito ng Biblia.  Ito ang popular ngayon sa pangangaral.  Ang nais lamang na marinig ng mga tao ay ang tungkol sa pag-ibig at pagmamahal ng Diyos.  Ayaw na nilang marinig ang tungkol sa poot, galit, pagpaparusa ng Diyos kaya bihira naring madinig ang tungkol sa pagsumbat sa kasalanan, pag-uusig ng budhi, pagsisisi sa kasalanan, paghuhukom, dagat-dagatang apoy, at impiyerno.  Subalit ito ang malaking dahilan kung bakit dapat nating kilalanin si Cristo.  Si Jesus mismo ang nagtuuturo nito…

Joh 3:36 Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi magkakaroon ng buhay|—|mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.
Joh 3:36  Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit  ang hindi  sumusunod  sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.  (-Ang Bagong Ang Biblia)

KABUTIHAN AT KABAGSIKAN NG DIYOS:

Rom 11:22 Dito’y makikita natin ang kabutihan ng Diyos at ang kabagsikan niya. Mabagsik siya sa mga di nananalig sa kanya, subalit mabuti sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, ikaw ma’y puputulin.

KOMENTO SA Roma 11:22

Ito ay isinulat ni Pablo sa konteksto ng nangyari sa mga Israelita na hindi sumampalataya kay Cristo at sa mga Hentil na sumampalataya kay Cristo.  Ang mga Israelita ang mga orihinal na mga sanga sa isang punong olibo at ang mga Hentil naman ay mga sanga lamang mula sa olibong ligaw.  Pinutol ng Diyos ang mga orihinal na sanga (mga Israelita) dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, at ikinabit naman ng Diyos ang mga Hentil, na mga sanga mula sa olibong ligaw, dahil naman sa kanilang pananampalataya.  Ang Diyos ay mabuti duon sa mga nananalig sa Kanya at sumusunod subalit mabagsik sa mga masuwain na walang pananalig sa Kanya.  Hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa kanya, iyan ang ipinakikita naman sa Hebreo 11:6…

Heb 11:6 At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

TAKOT AT PANGINGINIG (“Fear and Trembling”)

Ang kahulugan na “takot at panginginig” na ginamit sa talatang ito (Pilipos 2:12) ay literal.  Sa madaling salita, ang tamang “pagkatakot sa Panginoon” ay kinabibilangan ng:

2.1  – Pagbibigay ng paggalang at paghanga (“reverence and awe”)
2.2  – Ang pagkatakot na baka masaktan (“ma – offend”) natin ang Diyos.  Ito ang pagkatakot na magkasala tayo na ikagagalit ng Diyos.

KOMENTO:  Sa talatang ating pinag-aaralan (Pilipos 2:12), ang takot at panginginig ay iniugnay ni Pablo sa pagpapatuloy ng mga Cristiano sa paggawa hanggang sa malubos ang kaligtasan.  Ganyan natin ipagpapatuloy ang ating paggawa.  May takot at panginginig.

3.   MAGPATULOY SA PAGGAWA HANGGANG SA MALUBOS ANG KALIGTASAN


Bagama’t ang mga Cristiano ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi ng gawa, ito ay HINDI nangangahulugan na hindi na tayo kikilos para sa pagpapaunlad ng ating kalagayang ispirituwal sa harap ng Diyos.  Maliwanag naman sa talata na PINAKIKILOS NGA TAYO.  Ang paggawa ng mabuti ay nararapat masumpungan sa bawat isa bilang mga naligtas na sa pamamagitan ng biyaya o sa pamamagitan ng pananampalataya — SAPAGKAT DITO TAYO ITINALAGA NG DIYOS. 

Eph 2:10 Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.


“HANGGANG SA MALUBOS ANG KALIGTASAN”.   


Hanggang dito ang mga Cristiano dapat kumilos.  Ito ay nagpapakita sa atin na mayroon din naman tayong dapat ikilos, ipagpunyagi, ipaglaban.  Meron din namang “effort” na manggagaling sa atin upang tayo ay umunlad sa ating pananampalataya at relasyon sa Diyos.  Sa salin ng Biblia sa Revised Tagalog Popular Version…

Php 2:12  Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako’y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako’y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos,



-Wakas ng Session #3-

CELL GROUP SESSION # 4 – April 3, 1pm-2pm, Friday (1 Hour)

1.    OPENING PRAYER
2.     BIBLE READING – (basahin ng isang kapatid sa cell group ang Pilipos 2:13)
3.    TALAKAYAN – Sa Pangunguna ng Cell Group Leader

PAKSA:  MAGLIWANAG TULAD SA ILAW – SA PAMAMAGITAN NG PAGKILOS NG DIYOS SA ATING BUHAY


Php 2:13 sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban.


INTRODUCTION:


Sa konteksto ng Pilipos 2:12-16 ay itinuturo sa atin na sa kabila ng mga balakid, dahil ang mga Cristiano ay naninirahan sa gitna ng “lahing liko at masama”, na tayo ay pinalilibutan ng masamang daigdig, ay kinakailangan na tayo ay magliwanag na tulad sa ilaw ng sanglibutang nababalutan ng kadiliman.  Maraming mga bagay ang nakapipigil sa atin at nagdudulot sa atin ng kahinaan ng loob upang itanyag ang Mabuting Balita ng Kaligtasan — ang Ebanghelyo.  Datapuwat ang talatang ito (Pilipos 2:13) ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at lakas ng loob upang magampanan natin ang ating tungkulin na magliwanag na gaya ng isang ilawan.  Ang sabi ng talata ay:

“…ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban” (Pilipos 2:13)

Sa Diyos nanggagaling ang ating pagnanasa at kakayahang maisagawa ang Kanyang kalooban.  Nagkakaroon tayo ng pagnanasa at kakayahan dahil ito ay ibinibigay sa atin ng Diyos.  Dito natin hinahango ang ating paksa ngayo na sa pamamagitan ng pagkilos ng Diyos sa ating buhay ay magagawa nating magliwanag na tulad sa ilaw.


Sa konteksto ng Pilipos 2:12-16, ang partikular na “kalooban” ng Diyos na tinatalakay ni Pablo ay ang ating pamumuhay sa gitna ng masamang kapaligiran, na bilang mga Cristiano ay nais ng Diyos na maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan, magsilbing ilaw sa mga hindi mananampalataya.  May kasabihan nga na “mahirap na magpakatao sa gitna ng mga nag-aasal hayop”.  Mahirap magpakatino sa gitna ng magulong kapaligiran at mga walang disiplinang mga tao.  Mahirap magpakabanal kung napakaraming mga balakid, suliranin, dinadala at iba’t ibang negatibong mga bagay sa paligid na makapagpapahina ng kalooban.  Sa sarili natin ay mahirap talaga.  Kung tayo ay aasa lamang sa sariling kakayahan ay mahirap talaga.  Subalit – isang malaking SUBALIT, ang pinaghuhugutan natin ng kalakasan ay ang Diyos na makapangyarihan sa lahat…
Dahil ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang Kanyang kalooban ay nagpapakita ito sa atin na:
1.    Hindi tayo nag-iisa sa pagsasakatuparan na  “magliwanag bilang ilaw ng sanglibutan” – Ang Diyos ang nagpasimula nito sa atin at Siya din ang tatapos nito.  Sa parehong grupo ng mga Cristiano na sinulatan ni Pablo, ang mga taga Pilipos, ay naunan na niya binanggit sa unahan ng kanyang sulat sa Pilipos na ating pinag-aaralan ang ganito…

Php 1:6 Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus.

2.    Sa mga taga Pilipos din mismo na sinabi ni Pablo na “magagawa niya ang lahat ng mga bagay…”

Php 4:13 Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.

MAY KAPANGYARIHANG INILAAN ANG DIYOS PARA SA ATIN

Hindi tayo nag-iisa.  Kasama natin ang Diyos.  Subalit paano magaganap sa atin ang pagpapatnubay na ito ng Diyos na mabigyan tayo Niya ng “pagnanasa at kakayahan” na magawa ang Kanyang kalooban? 
1.     Gaya ng nabanggit ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Efeso (Bigyang pansin ang mga naka “highlight” at “bold letters”.
Eph 1:15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang,
Eph 1:16 walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin,
Eph 1:17 at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya.
Eph 1:18 Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang,[b]
Eph 1:19 at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon
Eph 1:20 ang muling bumuhay kay Cristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos.

PAGSUSURI:  Mula sa mga talata sa Efeso (1:15-20) ay ating matutunghayan ang mga sumusunod na katotohanan:

1.   ESPIRITU NG KARUNUNGAN AT TUNAY NA PAGKAKILALA KAY CRISTO

Ang panalangin ni Pablo sa mga taga Efeso ay pagkalooban sila ng espiritu ng karunugan at tunay na pagkakilala kay Cristo (Efeso 1:17).  Hindi naman dahil hindi nila kilala si Cristo dahil ang mga taga Efeso ay mga Cristiano na gaya ng lahat ng mga sinulatan ni Pablo sa Bagong Tipan.  Datapuwat ang talatang ito ay nagpapahiwatig sa atin ng “mas mataas na lebel o antas” ng pagkakilala kay Cristo.  Mas malalim na relasyon kay Cristo.

2.   LAYUNIN …

2.1 - Ang Efeso 1:18 ay nagsasaad ng layunin kung bakit ganuon ang nais ni Pablo sa talatang 17 — na pagkalooban sila ng Diyos ng espiritu ng karunungan at tunay na pagkakilala kay Cristo.  Ito ay upang malaman ang inaasahan sa pagiging Cristiano natin at ito ay nakatuon sa kaluwalhatiang inilaan.

2.2 - Sa talatang 19 naman ay idinugtong pa ni Pablo na maging ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos sa atin ang nais ni Pablo na makamit ng mga mananampalataya.
ANG KAPANGYARIHAN.
Mayroong kapangyarihan na inilaan para sa atin ang Diyos at ang kapangyarihang iyan ay iyon din ang kapangyarihang ginamit ng Diyos sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo at yun din ang kapangyarihang nagluklok kay Cristo sa kalangitan (Efeso 1:20). 

Grabe at dakila ang kapangyarihang inilaan para sa atin ng Diyos na magagamit natin maging habang tayo ay nabubuhay pa sa lupa hanggang sa buhay na walang hanggan!

ANG KAPANGYARIHANG ITO AY HIGIT PA KAYSA LAHAT NA MAAARI NATING HILINGIN AT ISIPIN!


Eph 3:20 Sa Diyos na makagagawa nang higit kaysa lahat ng maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin—

Sa mga salitang ito sa Efe 3:20, kung ganap lamang natin ito sasampalatayanan ay tunay na wala ng dahilan upang tayo ay panghinaan ng kalooban sa pagtupad ng ating mga tungkulin. 
ANG LAHAT NG MGA KATOTOHANAN ITO NA ATING BINASA SA SULAT NAMAN SA EFESO AY NAGHAHATID SA ATIN SA KATOTOHANAN NA TAYO AY BINIBIGYAN NG DIYOS NA ISPIRITUWAL NA LAKAS (“SPIRITUAL STRENGTH”)

UPANG MAKAMIT ANG KAPANGYARIHANG INILAAN NG DIYOS PARA SA MGA CRISTYANO


PAPAANO MANGYAYARI SA ATIN ANG MGA BAGAY NA ITO?  Na ang Diyos ay kumikilos sa buhay natin?  Ito ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng imahinasyon lamang.  Hindi ito makakamit ng wala din namang “effort” na manggagaling sa atin at wala tayong pinaghuhugutan ng pagnanasa at kakayahan na nanggagaling sa Diyos.  Ano-ano ba ang itinuturo ng Biblia sa kung paano tayo magkakamit ang “kapangyarihang” ito na galing sa Diyos – ang “pagnanasa at kakayahan” na binabanggit ni Pablo?

A.   SA PAMAMAGITAN NG PANALANGIN.  Gaya ng ginawa ni Pablo para sa mga taga Efeso,

Eph 3:16 Hinihiling ko, ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan, na palakasin niya ang inyong buhay espirituwal sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.

B.   SA PAMAMAGITAN NG SALITA NG DIYOS

1.    Sa pagtuturo din ni Pablo sa sulat niya sa Efeso na

Eph 6:10 Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa Panginoon at sa tulong ng dakilang kapangyarihan niya.

… ay sinundan niya ito ng pagtuturo na gamitin ang “kagamitan at sandatang pangdigma” ng Diyos (“ Full armor of God”)

Eph 6:11  Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo.
-(Revised Tagalog Popular Version)
2.    Maliwanag din na ang kagamitan at sandatang pangdigma ng Diyos ay

a)    Katotohanan (truth) – Efe 6:14
b)   Ebanghelyo o Mabuting Balita (Gospel) – Efe 6:15
c)    Pananampalataya (Faith) – Efe 6:16

ANG LAHAT NA NABANGGIT NA ITO AY MULA SA SALITA NG DIYOS

3. Ang Salita ng Diyos mismo ay isinalarawa bilang “tabak” o espada (“sword”) Efe 6:17. 

a)    Marapat lamang na magamit ito bilang armas upang abutin ang ibang mga tao.
b)   Di ba’t and Salita ng Diyos din ang ginamit sa atin upang tayo ay maabot at maakay sa kaliwanagan?

1)    Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ay isinilang tayong muli – 1Pedro 1:23; Sant 1:18
2)    Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos ay naligtas ang ating mga kaluluwa – Sant 1:21

Kaya bayaan natin na ang Salita ng Diyos na maging daan upang tayo ay mapalakas ng Diyos sa ating pagkataong-loob, kumilos sa atin, maging sa pagnanasa at paggawa para sa ikalulugod NIYA.


-       WAKAS NG SESSION # 4 -